JOURNEY ON THE HIGHWAY OF LIFE,
WITH SIDE TRIPS ALONG ALLEYS
NO ONE WANTED TO EXPLORE.

Monday, November 21, 2011

DON'T ENGLISH ME, I BLEED.

Hindi ko mawari kung ano ba ang pumupukaw sa mga Pilipino na magtrabaho sa Industriya ng Call Center. Hindi naman sa sinasabi ko na masamang desisyon sa pagpili ng larangan ang pagtatrabaho sa call centers, ang punto ko lang, hindi ko mawari kung bakit. Maaaring matawa ka, pero ang totoo, isa rin akong Call Center Agent at hindi ko alam kung bakit nandito ako.

Kung iisipin, maganda nga naman ang buhay ng isang call center agent, una sa lahat,malaki ang sahod kaysa sa karaniwan, may night differential pa kung pang-gabi ka. May mga benepisyo ding kaakibat ang trabaho mo, iyon ay kung nasa isang kumpanya ka na lehitimo at hindi tinitipid ang mga empleyado nito.

Bilang isang ahente ay alam ko din ang hirap na dinadanas ng mga tulad ko. Hindi basta-basta ang pagiging ahente. Hindi lang pagsagot sa tawag ang ginagawa namin at hindi lang boses ang aming puhunan. Kailangan namin siguraduhin na maayos ang tono ng aming mga boses kahit na inaapoy na kami ng lagnat, nanginginig dahil sa lamig ng aircon o sadyang wala sa kundisyong magtrabaho. Maraming beses na rin na nangyari sa akin yan, mahirap talaga. Tipong gusto mo nalang ihiga at itulog ang karamdaman mo pero kailangan mong sikapin na magpasaya at rumesolba ng mga problema ng mga taong may pinagdadaanan din sa kabilang linya.


Hindi lang kami basta salita ng salita ng english na wala namang kwenta; dahil dun sa "english" na iyon at sa "walang kwentang" sinasabi namin ay nakakatulong kami sa taong desperado sa kabilang linya. Mali din ang  sinasabi ng iba na "sayang ka kapag nasa call center ka lang" dahil may career din naman sa industriyang ito, tiyagaan nga lang at pakapalan ng mukha ang labanan. Hindi lang basta paulit-ulit ang ginagawa namin at sinasabi sa bawat tawag na sinasagot namin, kailangan din ng diskarte at utak dahil may mga metrics din naman kami na kailangang abutin. Survival of the fittest din ang kalakaran dito, hindi lang basta chillax at payabangan sa english.

Mahirap ang ginagawa naming pakikisama. Mahirap ang pag-aadjust sa bawat customer; madalas e galit sila o di man kaya ay mainit ang ulo, minsan naman parang may sapi. Gayundin ang ginagawa naming pag-aadjust sa mga katrabaho namin, sa mga boss at sa mga feeling boss. Maraming mga nasa upper positions ay powertrippers, madalas nilang sabihin na "naging agent din ako, alam ko ang pinagdadaanan niyo", pero konting kibot lang e hindi biru-biro ang inaabot naming sigaw at pamamahiya mula sa kanila. Well, hindi ko naman nilalahat, marami din naman akong nakilala na hindi ganyan sa mga ahente nila.

Maganda ding magtrabaho sa call center kapag kasalukuyan mong sinusuportahan hindi lang ang pamilya mo kundi pati ang pag-aaral mo. Pasok sa school sa araw, pasok sa trabaho sa gabi. Bigay ng pera sa pamilya, laan ng pang-matrikula. Kapag may kaunti pang tira, masaya nang makabili manlang ng isang Happy Meal para sa anak mo. Pag nasimot na ang barya, hintay nalang ulit ng suweldo.  At pagdating ng suweldo, repeat.

Wala akong problema o masamang pananaw ukol sa pangkahalatang konsepto ng industriya ng call center. Sa totoo lang, wala talaga. Malaki ang tulong ng industriyang ito sa bansa. Malaki ang nagagawang tulong sa mga taong nangangailangan ng trabahong may malaking suweldo lalo pa at talagang napakahirap ng buhay ngayon.

Wala akong problema sa mga trabaho sa call centers o sa mga nagtatrabaho dito. Hindi ko din alam kung bakit naisulat ko ito. Wala talaga akong ideya kung bakit. Siguro gusto kong ipaintindi sa iba na hindi lang basta pakape-kape sa Starbucks at pa-shopping-shopping ang mga ahenteng tulad ko. O marahil gusto ko lang talaga kumbinsihin ang sarili ko na gusto ko pa rin ang ginagawa ko.

Ah ewan. Papasok na ako!